Common bus terminal itatayo
MANILA, Philippines - Pinaplano ng Metropolitan Manila Development Authority na magtayo ng tatlong “common terminals” ng mga pamprobinsyang buses sa kalakhang Maynila upang magsilbing “drop-off point” sa mga pasahero at tuluyan nang maipagbawal ang mga ito na bumiyahe sa Epifanio delos Santos Avenue o EDSA.
Sinabi kahapon ni MMDA Chairman Bayani Fernando na nais rin nilang ipagbawal na ang mga pamprobinsyang bus sa EDSA upang mapaluwag ang daloy ng trapiko ngunit aminado ito na mahirap pa itong maipatupad dahil sa wala pang magsisilbing “common terminals” kung saan ibababa at magsasakay ang mga bus ng kanilang mga pasahero papasok at palabas ng Metro Manila.
Unang target na paglagyan ng terminal ang Marikina City para sa mga bus na may rutang patungong Bicol at iba pang lalawigan sa Timog Luzon sa pamamagitan ng pagdaan sa ruta ng C-5 road.
Plano rin ng MMDA na magtayo ng terminal sa ilalim ng Magallanes fly-over na magsisilbing transfer point sa parteng Timog ng Metro Manila habang naghahanap pa ng pasadong lugar sa Norte. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending