2 tirador ng motor nalambat ng pulisya
MANILA, Philippines - Nadakip ng pulisya ang dalawang miyembro ng “motorcycle-in-tandem gang” na sinasabing kapwa sangkot sa ilang serye ng carnapping activities sa Marikina City at mga karatig pa nitong lungsod.
Kinilala ni Eastern Police Director P/CSupt. Benjardi Mantele ang mga suspek na sina Noel Leonen at Ricky Sonio na ngayon ay kapwa nahaharap sa mga kasong carnapping at paglabag sa Presidential Decree 1866.
Batay sa ulat, nalambat ng operatiba ang mga suspek pasado alas-9:00 ng gabi kamakalawa sa inilatag na checkpoint ng EPD sa kahabaan ng Marcos Highway ng Marikina City.
Unang napansin ng operatiba ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek na noon ay kapwa sakay sa isang motorsiklo na walang kaukulang plaka.
Nang sitahin at kapkapan, nakuha sa pag-iingat ng isa sa mga suspek ang isang .38 kalibre ng baril na kargado ng anim na bala na pinaniniwalaang ginagamit ng mga ito sa kanilang iligal na aktibidades.
Lumalabas naman sa rekord ng pulisya na ang mga suspek ang itinuturong umano’y responsable sa ilang serye ng carnapping sa lungsod at mga karatig pa nitong lugar. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending