Kakapusan sa water pumps sanhi rin ng baha
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority na kulang na kulang sila sa water pumps sa mga pumping station sa Kamaynilaan na siyang dahilan ng pagbabaha sa maraming lungsod.
Sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na hindi lamang ang walang disiplinang pagtatapon ng basura at pagtatayo ng istraktura sa mga daluyan ng tubig ang sanhi ng patuloy na pagkakaroon ng baha kundi kulang din aniya ang mga water pump sa mga pumping stations.
Dahil dito, ipinangako ni Nacianceno na maglalagay na sila ng karagdagang water pumps sa Libertad Pumping Station na tiyak na makakatulong upang maibsan ang nangyayaring pagbaha sa distrito ng Sampaloc tuwing bubuhos ang malakas na ulan.
Magugunita na ipinagmalaki pa ni MMDA Chairman Bayani Fernando ang nilutas nilang mga pagbaha sa maraming lugar sa kalakhang Maynila nang pasinayahan ang Abucay Pumping Station kung saan naging panauhin pa si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Gayunman, sa kabila ng mga pagsisikap ni Fernando na malutas ang mga pagbaha at puspusang panawagan na iwasan ang magtapon ng basura sa lansangan, patuloy pa ring lumulubog sa tubig baha ang maraming lansangan kapag bumubuhos ang malakas na ulan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending