MANILA, Philippines - Isang 23-anyos na baker ang napatay nang saksakin ng kanyang kasamahan matapos na magkapasuan habang nagluluto ng tinapay, kahapon ng madaling-araw sa Pandacan, Maynila.
Namatay sa lugar ng insidente sanhi ng mga saksak sa dibdib ang biktimang si Aldin Gabin, stay-in baker sa Sea-Zoe bakery na nasa #2099 Menandro St., Pandacan, samantalang kaagad namang naaresto ng mga nagrespondeng barangay tanod ang suspek na si Ridimer Alulod, 23, at stay-in baker din sa naturang bakery.
Sa inisyal na report ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa 4th floor ng nasabing bakery.
Inamin ng suspek na sinaksak niya ang biktima nang magdilim umano ang paningin niya matapos siyang murahin nito bukod pa sa matagal na silang may alitan.
Nagalit umano ang biktima sa suspek nang mapaso ang kamay nito sa mantika na nahawakan niya na inilapag ni Alulod habang nagluluto siya ng tinapay.
Bukod dito palagi rin umanong pinapagalitan ng biktima ang suspek kahit sa konting pagkakamali lamang nito. (Gemma Amargo-Garcia)