Kelot itinumba ng 4 na naka-bonnet

MANILA, Philippines - Isang 39-anyos na lalaki ang namatay noon din nang paulanan ng bala ng hindi pa kilalang mga suspek kamakalawa sa Quezon City.

Nakilala ang biktima na si Teddy Orofe, ng San Lorenzo St., Brgy. Commonwealth, ng nabanggit na lungsod. Ayon sa ulat, naganap ang krimen dakong alas-3:15 ng hapon sa Mactan Exten­sion ng nasabing barangay.

Ayon sa saksing si Pepe Alora, kasa­lukuyan siyang nagwawalis ng kanilang bakuran nang makita niyang tumatakbo ang biktima habang binabaril siya ng apat na suspek na pawang naka-bonnet.

Nang masukol ang biktima, dito na siya sunud-sunod na pinaputukan sa ulo at katawan ng mga suspek na pawang armado ng cal. 45 kahit na nakatumba na.

Malaki ang posibilidad na paghihiganti ang dahilan kung bakit itinumba ang biktima batay na rin sa mga pahayag ng mga nakakakilala dito dahil minsan ay may binugbog ito at ma­aaring ito ay pinag­higantihan.

Gayunman, ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya. (Angie dela Cruz)

Show comments