Lider ng 'Pajarillo holdup gang', timbog
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nabuwag na ng pulisya ang kilabot na “Pajarillo holdup and robbery gang” makaraang maaresto ang lider ng naturang grupo habang binibiktima ng mga ito ang isang guro, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Kinilala ang suspect na si Robert Pajarillo, 34, at residente ng P. Mejia St., Libis Quezon City.
Kasalukuyan namang pinaghahanap pa ang dalawang mga kasamahan ni Pajarillo na nagawang makatakas gamit ang isang motorsiklo.
Batay sa ulat, dakong alas-11 ng gabi nang unang biktimahin ng grupo ng suspect si Lourdes Antenor, 33, guro ng SSS Village, Brgy. Concepcion Dos, Marikina City.
Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktima papasok sa gate ng kanyang bahay nang biglang sumulpot ang grupo ni Pajarillo saka sinunggaban ang una sabay tutok ng patalim sa leeg nito.
Habang nakatutok ang patalim ay sapilitang inagaw ng mga suspect ang bag ng biktima na naglalaman ng isang Nokia N70 cellular phone na nagkakahalaga ng P17,500; isang Alexander Cristy brand na relo na nagkakahalaga ng P8,000; cash money na tinatayang nasa P9,000 at iba pang personal na kagamitan ng huli.
Sa kabila nito ay nanlaban naman ang biktima at nagsisigaw para makahingi ng tulong. Ang naturang senaryo ay nadaanan naman ng mga nagpapatrulyang mga kagawad ng Marikina City Police Station dahilan upang maaresto si Pajarillo, bagama’t nagawa namang makatakas ng mga kasamahan nito. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending