MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ng isang Army reservist na nabunyag na nagtayo ng sariling military camp at nag-recruit ng mga pekeng sundalo sa Imus Cavite, sa ulat kahapon.
Iprinisinta sa media ni NBI Director Nestor Mantaring ang suspek na si Zioanis Abrantes, 31, ng Block 18, Lot 13, Green Gate Homes, Brgy. Malagasang, Imus, Cavite.
Ayon sa ulat, ang suspek ay nagpapakilalang aktibong miyembro ng AFP at nakatalaga sa ISAFP. Ipinakikita umano nito sa madalas na suot na military uniform na siya ay may ranggong 2nd Lt.
May ulat din na ang grupo nito ay madalas na gumagala sa Metro Manila na pawang naka-uniporme.
Natukoy na noong isang taon nagsimula ang recruitment ni Abrantes, nagsagawa ng military training sa mga recruit, nag-iisyu ng pekeng mission at special orders, identification cards (ID) ng AFP at ISAFP.
Nasa walong buwan na umano ang training ng may 39 na ni-recruit ni Abrantes nang mabuko matapos maaresto ang isang kasapi na si Venerado Alterado. Siya ay dinakip ng Pasay Police at nakuha sa kaniyang pang-iingat ang isang military ID. Nang beripikahin ay natuklasang peke.
Naging ugat din ang pagkakadakip kay Alterado sa pagsalakay kay Abrantes ng NBI na natuklasan ding hindi konektado sa ISAFP, base sa certification na ibinigay sa NBI ng Military Intelligence Group 16, ISAFP Camp Crame sa Quezon City.
Nag-isyu rin ang PNP Firearms and Explosive Division, Camp Crame QC na awtorisadong magdala ng baril ang suspek. Nakumpiska sa bahay ni Abrantes ang mga baril, mga bala, rifle grenade, military uniforms at ID.
Umamin na si Abrantes, na isa siyang under graduate ng Architecture sa Technological University of the Philippines (TUP) at computer programmer. Patung-patong na kaso ang nakatakdang iharap sa suspek. (Ludy Bermudo)