MANILA, Philippines - Patay ang isang 2-anyos na batang lalake matapos na mabundol ng rumaragasang sasakyan habang ang una ay naglalaro sa kalsada kasama ang iba pang bata sa lungsod ng Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Ronald Tan, traffic enforcers ng Station 6 ng Quezon City Police, kapabayaan umano ng magulang ang dahilan upang mabundol ang batang si Lance Ezekiel Aquino, residente ng Nawasa Road, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
“May kasalanan din kasi ang nanay ng bata, kasi iniwan niya ang kanyang anak sa kalsada, gayon alam niya na maraming sasakyan dito,” sabi pa ni Tan.
Lumilitaw na nangyari ang insidente sa may Mapayapa Road, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod pasado alas-11:30 ng umaga.
Sinasabing naglalaro sa naturang lugar ang biktima kasama ang dalawa pang bata nang biglang sumulpot ang isang Ford Everest Wagon (ZKW-390) na minamaneho ni Thomas Lazatin Jr., 32 ng Block 14, Lot 3, Rolling Meadows, Phase 1, San Bartolome sa lungsod at bundulin ito.
Sa lakas ng impact tumilapon ng ilang metrong layo ang biktima, at nagawa pang maisugod ito sa New Era Hospital hanggang sa ilipat sa East Avenue Medical Center kung saan ito nalagutan ng hininga. (Ricky Tulipat)