Binata pinagtanggol ang kaibigan, ginilitan
MANILA, Philippines - Patay ang isang 20-anyos na binata matapos na pagbalingang saksakin ng isa sa tatlong kalalakihang miyembro ng isang gang makaraang tangkain ng una na pigilan ang mga huli sa pananakit sa kanyang kaibigan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Isang malalim na tama ng saksak sa leeg ang tumapos sa buhay ng biktimang si Norman Sarmiento, ng Riverside St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Pinaghahanap naman ng awtoridad ang mga suspek na nakilala sa mga pangalang Jojit Gapo, Juanito Pabusta, at isang alyas Ipe.
Nangyari ang insidente sa may harap ng bahay ng biktima pasado ala-1:30 ng madaling-araw.
Bago ito nagpunta ang bik tima sa isang lugawan upang sunduin ang kanyang kaibigang si Jhon-Jhon. Pagsapit sa lugar ay dumating ang mga suspek at kinursunada ng mga ito si Jhon-Jhon hanggang sa paluin ito ng monoblocks sa ulo.
Nakita naman ito ng biktima at tinangkang awatin ang mga suspek ngunit siya naman ang pinagbalingang saksakin ng isa sa mga suspect sa leeg.
Matapos ang pananaksak ay mabilis na nagsipagtakbuhan papalayo ang mga suspek habang ang biktima ay isinugod naman ng kaibigan sa Fairview hospital kung saan ito idineklarang patay. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending