P.5-M SA PNP, $90,000 SA US:Tipster ng lider ng terorista, instant millionaire
MANILA, Philippines - Instant millionaire ang isang tipster matapos na bigyan ito kahapon ng P500,000 reward ng Philippine National Police (PNP), habang karagdagang $90,000 pa ang tatanggapin nito sa Estados Unidos kaugnay ng pagbibigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa lider ng teroristang grupo ng Rajah Solaiman Movement (RSM) na si Dinno-Amor Rosalejos Pareja, alyas Khalil Pareja.
Ang P500,000 cash reward ay pinondohan ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa sinumang makapagbibigay ng imporma syon sa pagkakaaresto sa wanted na mga lider at miyembro ng teroristang grupo.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, pormal na iniabot nina Verzosa at PNP Intelligence Group (PNP-IG) Director P/ Chief Supt . Rolando Anoñuevo ang P500,000 reward sa nasabing lalaking tipster.
Maliban dito, ayon kay Verzosa ay tatanggap ng karagdagang $90,000 reward mula sa US tipster dahil kabilang ang nadakip sa talaan ng mga wanted na terorista ng US Department of Defense.
Si Pareja ayon naman kay Anoñuevo ay wanted rin sa kasong rebelyon kaugnay ng Valentine’s day bombing noong Pebrero 14, 2005 sa Makati City na ikinasawi ng tatlo katao habang marami pa ang nasugatan.
Sa intelligence information, noong Oktubre 2004 ay sumailalim si Pareja sa pagsasanay sa bomb making sa Liguasan Marsh sa Central Mindanao kung saan mismong si JI leader Umar Patek at Dulmatin ang nagsanay dito.
Noong Enero 7, 2005 ay sumapi si Pareja sa MILF- Bangsa Islamic Armed Forces 105th Base Command sa pamumuno ni Wahid Tundok, Baguinda Ali, Basit Usman alyas Teng at ang pag-atake ng grupo ni Umar Patek sa 71st Infantry Battalion sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng sampung tauhan ng Army’s 71st Infantry Battalion (IB) habang isa pa ang nawawala.
Si Pareja ay siya ring sangkot sa magkakasunod na pambobomba noong Agosto 2005 sa downtown ng Zamboanga City na ikinasugat ng 26 katao. Plinano rin ng grupo, ayon kay Anoñuevo na magsagawa ng pambobomba sa Cebu City kaugnay ng 12th ASEAN Summit noong Nobyembre 2006.
Sa rekord ng PNP si Pareja ang siyang pumalit na lider ng grupo matapos na masakote ang dating RSM leader na si Ahmad Santos at RSM second in Command Pio de Vera noong Oktubre 2005. Nahalal rin itong bagong ‘Amir’ ng RSM sa pagpupulong ng grupo sa Sulu.
- Latest
- Trending