Police niratrat ng riding in tandem
MANILA, Philippines - Nasa bingit ng kamatayan ngayon ang isang pulis matapos na pagbabarilin ng isa sa dalawang holdaper na riding in tandem makaraang tangkain ng una na hulihin ang mga ito dahil sa paglabag sa batas trapiko dito, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si PO2 Dennis Quejada, miyembro ng motorcycle unit ng DTEU-QCPD Camp Karingal Sikatuna Village sa lungsod.
Siya ay nagtamo ng anim na tama ng bala sa ulo, katawan at tiyan at ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.
Sa ulat ni PO2 Tom Subida, ng Criminal Investigation Unit, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Edsa corner Fema Road, Brgy. Bahay Toro ganap na alas-7 ng gabi.
Ayon sa saksing si Juanson Dooc, sakay ng isang motorsiklo ang biktima patungo sa bahay nito sa Caloocan City nang mapuna nito ang dalawang kalalakihang sakay rin ng isang motorsiklo na nag-counter flow.
Dahil lumabag sa batas trapiko, nagpasya ang biktima na noon ay naka-police uniform na parahin ang mga suspek, para siyasatin.
Subalit, isa sa mga suspek ang bumaba sa kanilang sinasakyan at biglang nagbunot ng baril saka pinagbabaril ang biktima.
Nang bumuwal ang biktima ay nilapitan pa ito ng suspek at kinuha ang kanyang service firearm bago tuluyang tumakas.
Nakita naman ang biktima ng isang Raymund Valdez, driver ng jeepney at agad na pumara ito ng taxi saka itinakbo ang sugatang biktima sa naturang ospital kung saan ito ngayon inoobserbahan.
Nagsasagawa na ng follow up operation ang buong QCPD laban sa mga suspek na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng robbery holdup sa lugar.
- Latest
- Trending