Nanghuli ng alimango, binoga
MANILA, Philippines - Dahil sa panghuhuli umano ng alimango, namatay ang isang 16 anyos na binatilyo nang mapagkamalan siyang magnanakaw at barilin ng isang guwardiya ng isang kumpanya ng barko sa Tondo, Manila kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Mark Anthony Martin ng Purok 3, Isla Puting Bato, Balut, Tondo. Tinutugis na ng pulisya habang isinusulat ito ang guwardiya ng barko na kilala lamang sa apelyidong “Borrico” at tumakas matapos ang pamamaril.
Sa ulat ni Det. Edgardo Ko ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng terminal ng San Nicolas Shipping Lines.
Ayon sa pulisya, lulan ng bangka na naglayag sa Manila Bay si Martin at dalawa niyang kaibigan para manguha ng alimango pero, sa lakas ng alon, napadpad sila sa gilid ng barko ng Banton Pearl ng San Nicolas Shipping Line.
Nang makita sila ng guwardiya, pinagbabaril sila. Tumalon sila sa tubig pero tinamaan ng bala si Martin. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending