Taxi driver patay sa holdap
MANILA, Philippines - Isang taxi driver ang natagpuang patay sa loob ng kanyang minamanehong taxi matapos na pagsasaksakin ng dalawang holdaper niyang pasahero sa lungsod Quezon kahapon ng madaling- araw.
Kinilala ang nasawi na si Rogelio Juarez, 61, ng Balong Bato, Riverside Commowealth,Quezon City.
Ayon sa ulat, natagpuan ang biktima ng mga residente sa loob ng pinapasada nitong taxi habang nakahandusay sa may tapat ng #26-B Matimpiin St. Brgy. Pinayahan sa lungsod dakong alas-12:15 ng madaling-araw.
Sabi ni James Eles, napansin niya ang isang Agassiz taxi (TWN-856) na nakabalagbag ang parada sa nasabing lugar kung kaya’t nilapitan niya ito at dito nadiskubreng patay na ang biktima sa loob ng nasabing sasakyan.
Ayon naman sa isang Larry Vergara, bago nila nakita ang bangkay ng biktima, napuna niya ang dalawang lalaki na humahagibis papalayo sa taxi pero hindi niya namukhaan ang mga ito.
Sinasabing sa pagtakas ng mga suspek ay sumakay ito sa isang tricycle na minamaneho ng isang Rowel Cruz at naghatid sa Aurora Blvd., Cubao ngunit pagsapit sa kanto ng Lauan St. dito ay agad ding nagsipagbabaan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, tadtad ng tama ng saksak sa katawan ang biktima at nawawala rin ang kinita nito na maaring tinangay na rin ng suspek. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending