Pamangkin ng shabu tiangge operator, tiklo
MANILA, Philippines - Nahulog na sa kamay ng operatiba ang pamangkin ni convicted “shabu tiangge” operator Amir Boratong kung saan ang una ang sinasabing namamahala ngayon sa talamak na ilegal na operasyon ng mga ito sa Pasig City.
Nakilala ang nadakip na si Aliman Boratong, residente ng F9, Baltazar St., Brgy. Sto Tomas, nabanggit na lungsod.
Nabatid na pasado alas-4 ng hapon kahapon nang maaresto ang suspect sa isinagawang anti-criminality campaign ng District Inteligence Unit at Special Operating Group ng EPD sa Amang Rodriguez Avenue, Brgy. Manggahan, Pasig City.
Batay sa ulat, una umanong napansin ng operatiba ang suspect na may sukbit ng baril sa bewang nito habang patakas ito sakay sa isang kulay berdeng Honda Civic (WCH-588).
Hindi naman nag-atubili pa ang operatiba kung saan ay agad nilang sinita ang suspect at dito na nila napag-alaman na ang huli pala ang matagal ng hinahanap ng awtoridad na si alyas “Boy Negro” na isa sa mga “hard core” remnant at lider ng Boratong drug syndicate na pamangkin naman ng convicted shabu tiangge operator na si Amir Boratong.
Nasamsam dito ang isang baril at mga bala at ilang pakete ng shabu. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending