MANILA, Philippines - Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang gurong overseas Filipino workers (OFW) na ginagamit na courier ng sindikato ng droga sa isang operasyon sa Pasay City.
Nakilala ang mga nadakip na suspek na sina MaryJane Turalde Vargas, 28, kindergarten teacher sa Guming, Shenzen ng Guming Shenzen, Tao Jin Lu Guangzhou, People’s Republic of China at Salvador Agunday Alberto II, 30, teacher sa Shanwei College, Xiang Chang road, Shanwei City, Guangdong Province,PROC at residente rin sa nasabing lugar.
Ayon kay NBI-AIDTF deputy director Ruel Lasala, at Reaction Arrest and Interdiction Division (RAID) ang pagkakadakip sa dalawa ay dahil umano sa pakikipagtulungan nila sa West African Drugs Syndicate (WADS), aktong nagde-deliver ng illegal na drugs.
Nabatid na dumating si Vargas sa bansa mula sa Malaysia noong Hulyo 31, 2009 at nag-check-in sa Pasay Hotel kung saan ito nakipagkita kay Alberto II.
Nakatakda sanang dalhin ni Alberto ang heroin sa China noon ding hapon ng Hulyo 31 sa pamamagitan ng China Southern Airlines flight. Subalit pagdating nito sa departure area ay kinompronta ito ng mga operatiba ng NBI kung ano ang laman ng bagahe kaya’t kaagad nitong itinuro si Vargas na siyang nag-utos sa kanya upang bitbitin ang bagahe nito patungong China.
Sa pagsisiyasat, nadiskubre ng NBI ang 887.8 gramo ng heroin kaya’t kaagad inaresto ang dalawa at sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o transportation of dangerous drugs.
Labis namang ikinaalarma ng mga kinauukulan ang pagkakasangkot ng mga OFW sa operasyon na droga. Sinasabing ginagamit na courier ang mga ito para sa paglalabas at pagpapasok ng ilegal na droga sa mga bansang kanilang pinupuntahan.