Walang panggastos sa panganganak ng misis, driver nagbigti
MANILA, Philippines - Inunahan ng pagpapakamatay ng mister ang paparating na problema sa gastusin sa panganganak ng kanyang misis sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng kanilang inuupahang kuwarto sa Tondo, kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot ng buhay sa Tondo General Hospital ang biktimang si Christopher Villanueva, jeepney driver at residente ng Pinoy St., Balut, Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat, dakong alas- 3 ng hapon nang madiskubre ng kanyang misis na si Emilia Baesal, ang mister na nakabigti gamit ang nylon cord sa tabi ng kanilang bintana.
Ayon umano kay Emilia, bandang tanghali ay nag-uusap silang mag-asawa hinggil sa kung saan kukuha ng gagastusin sa panganganak niya dahil kabuwanan na nito. Bukod pa rito, halos araw-araw ay kinakapos sila sa panggastos kabilang na ang pambili nila ng pagkain, lalo’t madadag dagan pa ang lima nilang anak.
Daing umano ng biktima kay Emilia na gusto niyang makaraos ang pamilya sa sob rang hirap subalit wala siyang magawa dahil mas madalas itong walang labas ng pampasaherong dyip o paekstra-ekstra lang. Ilang sandali pa nga ay nakita na ang nakabigting mister.
Inamin ni Emilia na ikalawang pagkakataon na ito sa pagtatangka ng mister na wakasan ang buhay. Noong nakalipas na taon umano ay umuwi silang pamilya sa Bulacan at dahil din sa problema sa pera ay nagtangka itong magpatiwakal na naagapan lamang. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending