MANILA, Philippines - Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang isang bagitong pulis na namaril at nakapatay sa isang 36-anyos na lalaki na umano’y tangka siyang tagain ng itak makaraang mabulahaw ito sa pagtulog dahil sa pag-iingay ng una kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Inaalam ngayon kung may pagkakasala si PO1 Julius Aldao, 34, nakatalaga sa Station 3 ng Quezon City Police District. Inimbitahan rin naman ng pulisya si Manuel Levita, 33-anyos, na kasama ni Aldao nang maganap ang pamamaril.
Nakilala ang nasawi na si Edwin Rodriguez, may-asawa, at naninirahan sa GSIS Subdivision, Brgy. 164. Nagtamo ito ng tatlong tama ng bala ng .9mm service firearm ni Aldao.
Nauna rito, sakay sina Aldao at Levita ng isang motorsiklo ngunit tumirik makaraang maubusan ng gasoline. Bumaba naman si Aldao at nagtungo sa bahay na katabi lamang ng tahanan ni Rodriguez na alam niyang nagbebenta ng tingi-tinging gasoline.
Maingay na kinatok ng pulis ang katabing bahay sanhi upang magising si Rodriguez. Galit na lumabas ito at bitbit ang kanyang itak upang sitahin ang nambubulahaw sa kanyang pagtulog. Isang pagtatalo ang naganap hanggang sa umalingawngaw ang tatlong sunod na putok ng baril. (Danilo Garcia)