MANILA, Philippines - Susuriin ng National Bu reau of Investigation ang tatanggaling silicon oil mula sa puwet ng singer na si Selina Sevilla upang pagbatayan sa imbestigasyon hinggil sa reklamong palpak na butt implant ng isang pekeng doktor.
Ayon kay NBI-Special Action Unit Chief Atty. Angelito Magno, sa kasalukuyan ay sumasailalim sa serye ng operasyon si Sevilla upang maalis ang silicon oil na pinaniniwalaang ugat ng impeksiyon sa kanyang katawan at maibalik ang nasirang porma nito.
Ayon sa NBI, kahit may ulat na patay na ang doktor na nagsagawa ng butt implant o nagturok ng silicon oil, patuloy sila sa imbestigasyon at hinihintay nila ang samples ng foreign substance na mai-extract mula sa puwet ni Sevilla para suriin ng NBI-Chemistry Division.
Matatandaang si Sevilla o Sharon S. Simon sa tunay na buhay na sumikat sa awiting “Nilunok kong Lahat,” ay nagreklamo laban sa isang Dr. R.A. Eugenio matapos na pumalpak ang isinagawa nitong butt enhancement sa kanya at naging sanhi pa ng impeksyon.
Ayon kay Sevilla, tinurukan siya ng silicon oil ni Eugenio sa kanyang puwet noong 1998 sa house-clinic nito sa 2648 Dominga St. Malate, Maynila kapalit ng P20,000.
Gayunman, kamakailan ay napansin niyang may tumatagas na langis sa kanyang puwetan na nang ipasuri ay natukoy na naging sanhi na ng impeksiyon ang silicon oil. (Ludy Bermudo)