Honasan pahaharapin sa korte

MANILA, Philippines - Kinatigan ng Makati Regional Trial Court ang hirit ng abogado ng Magdalo group na humarap bilang testigo si Senator Gregorio Honasan sa pagpa­patuloy ng paglilitis sa kasong kudeta laban kay Senator Antonio Trillanes IV at ibang dating kasamahan nitong rebeldeng sundalo.

Sa pahayag ni Atty. Ernesto Fran­cisco, abogado ng mga sundalong Mag­dalo, sa kauna-unahang pagkaka­taon ay haharap na bilang testigo sa susunod na pagdinig sa Setyembre si Honasan.

Sinabi ni Francisco na sa Setyembre 29 itinakda ang pagharap bilang testigo ni Honasan upang bigyang daan muna ang pagtestigo ng isa pang sundalo ng Magdalo na hindi muna niya binanggit ang pangalan sa Setyembre 10.

Naniniwala si Francisco na maka­katulong ang pagtestigo ni Honasan na tinagurian bilang “Kuya” ng Magdalo soldiers pati na rin ang isang opisyal ng samahan dahil ang magiging pahayag ng mga ito ang magpapatunay na hindi isang kudeta ang ginawang aksiyon ng mga nag-alburutong sundalo nang kubkubin ang Oakwood hotel sa Makati noong Hulyo ng taong 2003. (Lordeth Bonilla)

Show comments