Honasan pahaharapin sa korte
MANILA, Philippines - Kinatigan ng Makati Regional Trial Court ang hirit ng abogado ng Magdalo group na humarap bilang testigo si Senator Gregorio Honasan sa pagpapatuloy ng paglilitis sa kasong kudeta laban kay Senator Antonio Trillanes IV at ibang dating kasamahan nitong rebeldeng sundalo.
Sa pahayag ni Atty. Ernesto Francisco, abogado ng mga sundalong Magdalo, sa kauna-unahang pagkakataon ay haharap na bilang testigo sa susunod na pagdinig sa Setyembre si Honasan.
Sinabi ni Francisco na sa Setyembre 29 itinakda ang pagharap bilang testigo ni Honasan upang bigyang daan muna ang pagtestigo ng isa pang sundalo ng Magdalo na hindi muna niya binanggit ang pangalan sa Setyembre 10.
Naniniwala si Francisco na makakatulong ang pagtestigo ni Honasan na tinagurian bilang “Kuya” ng Magdalo soldiers pati na rin ang isang opisyal ng samahan dahil ang magiging pahayag ng mga ito ang magpapatunay na hindi isang kudeta ang ginawang aksiyon ng mga nag-alburutong sundalo nang kubkubin ang Oakwood hotel sa Makati noong Hulyo ng taong 2003. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending