Registration ng mga preso sinimulan na sa Manila City Jail
MANILA, Philippines - Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Commission on Elections (Comelec) na makakaboto na sa susunod na eleksiyon ang mga kuwalipikadong botante na inmates ng Manila City Jail kasabay ng isinasagawang registration sa loob mismo ng piitan.
Personal na sinaksihan nina BJMP Director Rosendo Dial at Comelec representative Atty. Erwin Caliba ang registration ng mga inmates kung saan sinimulan ito sa mga bilanggo na residente ng 3rd District na may bilang na 559 habang umaabot naman sa 4,018 ang inmates ang nakapiit sa MCJ.
Dadalhin naman sa ibang mga Comelec registration ang iba pang mga inmates na residente ng ibang distrito subalit kailangan lamang ito ng court order.
Ayon kay Dial, ang kanilang ginagawang “On-site Registration” ay paraan upang maibalik sa mga inmates ang kanilang political rights matapos na makulong kung saan ang isa dito ay pagbabawal na makaboto.
Gayundin ang mga inmates na nasa sa Metro Manila District Jail na kailangang dalhin sa MCJ upang makapagparehistro at makaboto sa 2010 elections.
Kasabay nito, bibigyan din ng sapat na seguridad ng mga pulis at ng mga tauhan ng BJMP ang mga inmates sa oras sa panahon ng election.
Kaugnay nito, nangangamba naman si Dial na hindi makapagparehistro ang mga akusado na itinuturing na “ high risk” bunsod na rin ng seguridad ng mga ito.
Ipinaliwanag din ni Dial na bagama’t inaasahan nila na ang pagdagsa ng mga kandidato at mangangampanya, bibigyan nila ng takdang araw at oras ang mga ito upang maiwasan ang anumang gulo. (Doris Franche, Ricky Tulipat at Mer Layson)
- Latest
- Trending