Matapos araruhin ang mag-ina: Prangkisa ng Jell Transport sinuspinde
MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng isang buwan ang prangkisa ng Jell Transport bilang parusa sa naganap na aksidente sa Edsa Santolan kamakalawa ng hapon.
Sa aksidenteng ito, isang 3-anyos na bata ang namatay habang natanggal ang kaliwang braso ng nanay nito nang araruhin ng bus ng Jell Transport na walang plaka na minamaneho ni Mario Villamar malapit sa Edsa Santolan Flyover.
Kaugnay nito, sinabi din ni LTFRB Chairman Alberto Suansing na kanya ding ipatatawag ang may -ari ng naturang bus company na si Elena Ong upang magbigay ng paliwanag kung bakit hindi maaaring suspendihin ang prangkisa nito kaugnay ng insidente.
Muli, pinaalalahanan ni Suansing ang mga driver ng pampasaherong bus na palagiang mag-ingat upang maiwasang maganap muli ang ganitong insidente.
Maging ang mga pedestrians anya ay maging maingat habang nasa gilid ng mga kalsada dahil marami din ang mga abusadong driver na posibleng magpahamak sa kanilang buhay gaya ng naganap sa aksidenteng ito.
Tatlo na ang namamatay sa aksidente sa lansangan na kagagawan ng bus ng Jell Transport ngayong taon ito na ang una ay noong Abril 2009. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending