Kelot tinodas sa riles
MANILA, Philippines - Patay ang isang 34-anyos na lalaki makaraang tadtarin ng bala ng isang hindi pa nakikilalang salarin habang nagtutulak siya ng trolley sa riles ng tren kamakalawa ng gabi sa Barangay Alabang, Muntinlupa City.
Agad na nasawi dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Arnaldo Fungo ng Purok 8 Bautista Compound, Alabang.
Bigo naman ang mga otoridad na madakip ang nag-iisang suspek na mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril. Nahihirapan rin ang pulisya na makilala ito dahil sa walang gustong makipagtulungan sa mga residente ng naturang lugar.
Ayon kay PO2 Roberto Lanting, imbestigador, nahihirapan silang makilala ang suspek dahil maging mga kaanak at asawa ng biktima ay wala ring maibigay na impormasyon ukol sa posibleng motibo at mga nakaaway ng biktima na maaaring may dahilan para ito paslangin. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending