Kustomer nawalan ng buhok: Ricky Reyes salon pinagbayad ng danyos
MANILA, Philippines - Inatasan kamakailan ng Court of Appeals ang kilalang beauty expert na si Ricky Reyes at isa niyang empleyado na bayaran ng P120,000 danyos pinsala ang isa nilang kustomer na nawalan ng buhok sa ginawa nila ritong hair relaxing session sa biktima.
Binaligtad ng 13th division ng CA ang desisyon noong Oktubre 18, 2007 ng Marikina City Regional Trial Court na nagdismis sa demanda ng biktimang si Maria Lourdes Hernandez laban kina Reyes at empleyado nitong si Jane Lopez.
Sinasabi ni Hernandez sa kanyang reklamo na, makaraang mabigyan siya ni Lopez ng hair relaxing service sa isang Ricky Reyes Salon na nasa isang shopping mall sa Mandaluyong, nakaramdam siya ng init sa anit ng kanyang ulo na para itong nasusunog.
Sinabi ni Hernandez na, kahit nagreklamo na siya, naglagay pa rin si Lopez sa kanyang buhok ng pangalawang bote ng hair relaxing formula.
Dahil dito, sinabi ni Hernandez na nawalan siya ng mga buhok at ang mga natitira ay nagkasabit-sabit o putol-putol na o ang tinatawag na hair breakage.
- Latest
- Trending