Grupong nambabato sa C-5 road, hanap
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng pabuya ang lokal na pamahalaan ng Taguig City para sa sinumang makakaaresto o magbibigay ng impormasyon upang makilala ang mga taong sangkot sa walang tigil na pambabato sa kahabaan ng C-5 Road na matagal nang namemerwisyo o sa mga motoristang nagdaraan rito.
Hindi naman binanggit ni Taguig Mayor Freddie Tinga kung magkano ang inilaan nilang pabuya. Nanawagan naman ito sa mga residente at mga motorista na dumaraan sa C-5 na maging mapagmatyag upang hindi mabiktima ng isa umanong grupo na nasa likod ng pambabato na layon umanong maghasik ng kaguluhan lamang sa lungsod. Hinikayat nito ang publiko na magsumbong sa 24-hour hotline nila na 1623 sa kahina-hinalang kilos sa C-5 road.
Nagdagdag naman ng bantay na pulis si Sr. Supt. Pancratius Cascola sa ilang piling lugar sa C-5 Road upang tulungan ang nagpapatrulyang police mobile units.
Nakatutok ang mga pulis sa “Waterfun” malapit sa MRT Avenue; north-bound ng C-5 junction; Centennial Village; Commando Bridge sa may Palar; at south-bound ng Sampaguita Bridge.
Sa intelligence report na natanggap ng pulisya, sinabi ni Cascola na naniniwala sila na isang organisadong grupo ang nasa likod ng pambabato para palabasin umano na hindi ligtas ang C-5 Road sa mga motorista at isisi ito sa pamahalaang lokal ng lungsod ng Taguig. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending
















