Mister dakma sa sex video
MANILA, Philippines - Hindi nagtagumpay ang isang 31-anyos na mister sa maitim nitong balakin sa pagpapakalat sa inter net ng sex video nila ng 22-anyos niyang ex-girlfriend makaraang isuplong ito ng babae at maaresto ang una sa isinagawang entrapment operation sa Pasig City.
Agad na sinampahan kahapon ng umaga sa Pasig City Prosecutor’s Office ng kasong robbery extortion in relation to violation of Republic Act #9262 o paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act ang suspect na si Michael Sunico, residente ng Ibarra St., Sampaloc, Manila.
Nabatid na nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspect nang mismong ang dating kasintahan nito na si Krystelle Anne ng Cainta, Rizal ay personal na magreklamo sa awtoridad hinggil sa naunang balak ng huli sa sana’y pagpapakalat nito sa internet ng kanilang sex video.
Una rin umanong tinakot ng suspect ang biktima na kapag hindi ito nagbigay ng kaukulang halaga ay sadyang ipapakalat niya sa internet ang kanilang sex video na kuha sa cellular phone ng lalaki.
Bunga nito ay nakipagkasundo ang biktima sa suspect na magbibigay na lamang siya ng P3,000 kapalit ng hindi na pagpapakalat ng huli sa internet ng kanilang sex video.
Alas-10:40 naman ng gabi nang makipagkita ang dalaga sa dating kasintahan sa Aruba KTV Bar sa Metrowalk Commercial Complex, Meralco Avenue, Pasig City at dala ang naturang halaga.
Lingid naman sa kaalaman ng suspect ay una nang pumoste sa lugar ang operatiba ng Pasig Police District and Detective Management Division at nang akmang inaabot na nito sa biktima ang naturang halaga na nagsilbing marked money ay agad na dinakma ito ng operatiba.
Nabawi naman sa posesyon ng suspect ang isang Nokia cellphone na naglalaman ng mga text messages ng pananakot sa biktima at ng nasabing sex video pati na ang marked money.
- Latest
- Trending