Kutsilyo iniwang nakabaon sa batok: Dalaga kinatay sa condo
MANILA, Philippines - Nakabaon pa ang kutsilyo sa batok nang matagpuang naliligo sa dugo ang isang 23- anyos na dalaga matapos tadtarin ng saksak ng hindi nakikilalang salarin sa loob ng kanyang tinutuluyang condominium sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Juneli Carig, 23, dalaga at residente ng #4245 Sunny Villas Condominium East Fairview Q.C.
Base sa ulat , natagpuan ang bangkay ng biktima ganap na alas- 6 ng hapon ng kanyang kapatid na si Elly John.
Nauna rito, iniwan umano ang biktima ng kanyang nanay na si Nila sa nasabing condo dakong alas-5:00 ng madaling araw at alas- 7:00 naman ng umaga umalis din ang kapatid niyang si Elly John kasunod ang isang kapatid pa nito na si Karl.
Sinasabing pagbalik ni Elly John sa kanilang bahay, laking gulat na lamang nito nang makita ang biktima na tadtad ng saksak sa leeg at balikat habang ang kutsilyong may anim na pulgada ay nakabaon pa sa kanyang batok.
Tinitingnan ng awtoridad ang anggulong robbery dahil nawawala umano ang cellphone ng biktima, pero hindi naman kinuha ng salarin ang laptop.
Naniniwala ang pulisya na malaki ang galit ng salarin sa biktima dahil sa dami ng saksak na ibinaon nito sa huli na indikasyon na hindi na ito bubuhayin.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending