Mag-utol na Iranian, timbog
MANILA, Philippines - Bagsak kalaboso ang magkapatid na Iranian nationals, isa rito ay nagpanggap umanong ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), habang ang isa naman ay dahil sa pagmamaneho ng walang lisensiya, kahapon ng madaling-araw, sa Ermita, Maynila.
Kinilala ang mga suspek na sina Khosro, 38; at Aboulghsem Davoodi, kapwa nanunuluyan sa #1421 Grand Residence.
Nabatid na unang sinita si Khosro na mabilis umanong nagpatakbo ng Suzuki-AUV (ZKA-751) sa kahabaan ng Salas corner Mabini Sts. at nadiskubreng walang lisensiya. Tinawagan umano ni Khosro si Aboulghsem at sa pagharap ay nagpakilalang ahente umano ng NBI ang huli.
Nang iberipika, nadiskubre na hindi NBI agent kaya kapwa sila inaresto para sa pormal na pagsasampa ng kasong reckless driving at driving without license kay Khosro, habang usurpation of authority naman kay Aboulghsem. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending