Holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Nakapuntos na namang muli ang tropa ng Quezon City Police laban sa mga lawless elements matapos na isa sa dalawang hini­hinalang holdaper ang napatay matapos makipagbarilan sa mga una sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang nasawi na si Christopher Flores, 24, ng July Ext. St., Brgy. Bahay Toro sa lungsod. Nagsasagawa naman ng follow- up operation ang mga operatiba laban sa kasamahan ni Flores na mabilis na nakatakas sa nasabing engkwentro.

Ayon sa ulat, nakaengkwentro ng mga suspek ang mga nag­pa­patrulyang pulis na sina PO2 Dennis Rex Mangonon, 33; at PO1 Marlon Ponce, 36; kapwa ng QCPD station 2. Naispatan ng mga pulis ang dalawang suspek sa lugar habang nakatayo sa may tabi ng armored car sa madilim na bahagi ng parking area sa   West Riverside St. malapit panulukan ng Valencia St., del Monte sa lungsod, ganap na alas-12:30 ng madaling-araw. Dahil sa kahina-hinalang kinikilos ng dalawa ay nagpasya ang dalawang pulis na sitahin ang mga ito.

Sa puntong ito, biglang nagsipagtakbuhan ang mga suspek sa magkaibang direksyon kung saan si Flores ay nagbunot ng baril at tinangkang barilin si Mangonon ngunit hindi pumutok. Dahil dito, napilitang magbunot ng kanyang service firearm si Mangonon at paputukan si Flores sa katawan. Nitong Linggo ng umaga ay dalawa sa apat na miyembro ng kilabot na “Bolt cutter” gang ang nasawi matapos na makaengkwentro ng QC police. (Ricky Tulipat)


Show comments