Dr. Vicki Belo, 1 pa sinubpoena ng NBI

MANILA, Philippines - Inaasahan ang paglutang sa National Bureau of Investigation (NBI) ng beauty doctor na si Dr. Vicki Belo at isa pang hindi pina­ngalanang opisyal ng Belo Me­dical Group (BMG) bukas (Mi­yer­kules) o sa susunod na mga araw upang magbigay-linaw sa diumano’y depektibong butt implant sa isang negosyante.

Sinabi ni Ross Bautista, executive officer ng Office of the Deputy Director for Intelligence Services (DDIS), ibinase nila ang pagpapatawag kay Belo sa reklamo ni Josefina Norcio, 40, na mismong si Belo pa ang con­sultant habang isinasailalim siya sa naturang elective surgery at bago ang operasyon ay ito rin umano ang nag-assess sa kanya kung maari siya sa butt enhancement, subalit hindi umano inabisuhan sa mga side effects na posibleng matamo.

Tutukuyin sa imbestigasyon kay Belo at isang tauhan niya kung may pagkukulang sa ka­nilang panig sa pagpapaliwa­nag dahil sa claim naman ng BMG sa kanilang website adver­tisement ay permanent filler ang hydrogel. Halos ikina­matay na umano ni Norcio ang dinaranas na impeksiyon ka­ugnay sa butt implants na isina­gawa noong 2003 at 2005, kaya serye ng pagtatanggal ng nana sa naimpeksiyong puwet,  ayon sa reklamo.

Una nang nagpaliwanag sa kanyang sinumpaang salaysay sa NBI si Dr. Francis Decang­chon Jr., na umaming siya ang nagsagawa ng ‘retoch’ sa puwet ni Norcio nang magreklamo dahil sa hindi pantay na laki ng puwet. Iginiit ni Decangchon na ang kanyang ginawa sa biktima ay hindi naman isang major operation at ang una umanong humawak sa operasyon ay isang Dr. Ronaldo Cayetano ng BMG. (Ludy Bermudo) 


Show comments