Burol ni Cory sa Manila Cathedral: Re-routing sa Intramuros itinakda
MANILA, Philippines - Bilang bahagi ng necrological services para kay dating Pangulong Corazon Aquino, nagpalabas ng re-routing ang Manila Police District upang mabigyan ng daan ang kanyang labi na ilalagak sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila sa loob ng tatlong araw mula ngayong umaga.
Sa pagpupulong nina MPD Director Chief Supt. Rodolfo Magtibay, MPD-TEU chief Supt. Rizaldy Yap at kinatawan ng pamilya Aquino, napagkasunduang simula ngayong alas 9 ng umaga ay isasara ang kahabaan ng A. Soriano St. mula Arsobispo hanggang Solana; Magal lanes, Cabildo at Gen. Luna Sts., mula A. Soriano hanggang Sta. Potenciana; kahabaan ng Sto. Tomas, Beatero, Anda, Real Sts., mula Gen. Luna hanggang Magallanes.
Eksaktong alas-6:00 ng umaga mula ngayon hanggang Agosto 5 isasara ang kahabaan ng Gen. Luna hanggang Cabildo.
Dahil dito, pinapayuhan ni Yap ang lahat ng public utility jeep na dumaan sa P. Burgos pakanan ng Bonifacio Drive at iikot ng Anda Circle.
Ang mga dadaan naman sa A. Soriano St. ay maaaring dumaan sa Taft Avenue o Bonifacio Drive habang ang mga sasakyang manggagaling sa Riverside Drive at Magallanes Drive ay maaaring mag-U turn sa Plaza Espana o Solana para makapunta sa kanilang opisina.
Ayon naman kay Magtibay, magdadagdag pa sila ng mga pulis upang mabigyan ng sapat na seguridad ang pamilya at kamag-anak ni Aquino at ang mga opisyal ng pamahalaan na magbibigay ng pagdamay sa pamilyang naulila.
Sa libing ni Aquino sa Agosto 5, mula sa Intramuros ay daraan ang prusisyon sa Roxas Boulevard, liliko sa South Luzon Expressway, lalabas sa Sucat Exit, daraan sa Sucat Avenue hanggang sa Manila Memorial Park sa Parañaque.
- Latest
- Trending