Mga preso boboto rin
MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagpaparehistro sa mahigit 62,000 preso sa buong bansa na inaasahang lalahok sa 2010 elections.
Ayon sa BJMP, nauna nang nagparehistro ang tinatayang may 334 na mga preso sa Sta Rosa City jail. Inaasahang sa susunod na araw ay magsasagawa rin ng registration sa iba pang hawak na kulungan ng BJMP. Sinabi ni Supt. Lyndon Torres, warden ng Caloocan City Jail, nakasaad sa memorandum na dapat isagawa ang registration ng mga preso mula sa city, municipal at district jail sa buong bansa na pangangasiwaan ng mga Comelec poll officers at mga tauhan ng BJMP.
Ayon kay Torres, sa ilalim ng sistema kung bababa sa 200 preso ang magpaparehistro, isasagawa ito sa loob ng kulungan habang kung mahigit sa 200 preso naman ay isasagawa naman ang registration sa itinalagang polling precints.
Nabatid na ang CCJ ay mayroong 1,300 na preso na nakatakdang magsagawa ng registration sa darating na Oktubre ngunit sasalain pa ng BJMP kung sino ang nararapat lamang na magparehistro. Itinakda ng Comelec ang huling araw ng registration sa darating na Oktubre 31, 2009, anim na buwan bago ang 2010 national elections.
Ang mga papayagan lamang na makapagparehistro ay ang mga preso na kasalukuyang under trials ang kaso at ang hindi pa sentensyado kayat nangangahulugan na hindi pa naalis ang karapatan nilang bumoto. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending