DA binulabog uli ng bomb threat
MANILA, Philippines - Muli na namang nabulabog ang trabaho ng mga empleyado sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) matapos na makatanggap sa pamamagitan ng text messages ang isang hepe dito ng bantang pagpapasabog kahapon ng umaga.
Dahil sa naturang banta, agad na pinalabas ng kani-kanilang kuwarto ang mga empleyado upang makaiwas sa posibleng kapahamakan. Ayon kay SPO1 Faustino Esplana ng Special Weapon and Tactics-Explosive Ordnance Division ng Quezon City Police, nag-ugat ang gulo matapos na makatanggap ng tatlong beses na pagbabanta sa pamamagitan ng text messages si Vince Tejada, executive director ng Bureau of Soil and Water Management ng nasabing kagawaran.
Ganap na alas-10:04 ng umaga nang matanggap ni Tejada ang unang mensahe na nagsasaad ng “Mr. Tejada maraming masasaktan sa magaganap na pagsabog sa DA main bldg., may naipasok na bomba sa loob ng bldg., parte ito ng panggugulo ng mga kalaban ng gobyerno, concern lang kami kaya ilikas n’yo na ang mga tao.”
Sumunod na mensaheng dumating kay Tejada ganap na alas-10:15 ng umaga ang katagang “ Ang daming tao ngayon dyan sa DA wag ipagwalang bahala.” Hanggang alas-10:22 ng umaga ang huling mensahe: “isa sa mga opisina dyan inilagay, anytime puputok ‘yon.” Samantala, sa ginawang panelling ng hanay ng SWAT-EOD mula sa buong gusali ay napag-alamang negatibo ang nasabing bomba. Maaalalang Hunyo 29 nang madiskubre ang isang bomba sa paligid ng nasabing kagawaran dahilan upang maghigpit ng seguridad dito. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending