2 holdaper bulagta sa pulis
MANILA, Philippines - Dalawang holdaper ang bumulagta sa mga pulis matapos magtangkang maki pagbarilan sa mga nakatalagang traffic police sa Delpan Bridge, Tondo, Maynila, kahapon ng hapon. Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ang mga hindi pa nakikilalang suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 Marcelino Bolante ng Manila Police District-Traffic Enforcement Group-Zero Obstruction, dakong alas-12:30 ng hapon, habang nagsasagawa ng checkpoint sa tulay ng Delpan, Tondo ang pulisya nang humingi ng tulong ang isang Jonathan Onasis, 46, may-asawa, ng Las Piñas City.
Ayon kay Onasis, sakay umano siya ng kanyang bisikleta at nang sumapit sa nasabing tulay ay bumaba siya sa bike upang itulak na lamang dahil sa pataas nang bigla na lamang siyang lapitan ng mga suspek at tutukan ng kalibre. 38 na baril habang ang isa naman ay sapilitang kinuha ang kanyang cellphone at wallet.
Matapos makuha ang pakay ng dalawang lalaki, namataan naman ni Onasis, sina SPO4 Rolando Alberto at ilang operatiba ng MPD-Traffic Enforcer kabilang si SPO2 Bolante at nagpasaklolo.
Sa kabila ng warning shot ni SPO4 Alberto, humarap umano ang dalawa at tinangka silang putukan kaya napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok na ikinasawi ng mga suspect.
Narekober ang baril at balisong at nabawi ang cellphone at ang wallet ni Onasis.
- Latest
- Trending