MANILA, Philippines - Muling nakapuntos ang hanay ng Anti-carnapping (Ancar) ng Quezon City Police laban sa mga nagpapakalat ng pekeng plaka ng sasakyan sa loob ng Land Transportation office (LTO) matapos na maaresto ang isang mister na nagbebenta nito dito, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay QCPD Director Police Chief Supt Elmo San Diego, nakilala ang suspek na si Melchor Mamawag, 51, ng Mabilis St., Barangay Pinyahan, ng nabanggit na lungsod.
Bago ang pag-aresto isang impormasyon ang natanggap ng pamunuan ng Anti-Carnapping chief Police Chief Insp. Dario Añasco hingil sa talamak na bentahan ng pekeng yellow license plates sa likurang bahagi ng LTO na matatagpuan sa Malakas St., Bgy. Pinyahan.
Dahil dito, agad na pinlano ng grupo ang isang buy-bust operation kung saan sa pamamagitan ng isang poseur-buyer napatunayan ang naturang sumbong dahilan upang isagawa ang operasyon.
Nakumpiska sa suspek ang anim na yellow commercial plates kung saan naberipikang pawang mga peke.
Si Mamawag ay ipinagharap na ng kasong paglabag sa Sec. 31 of R.A 4136 (imitation and false representation) at City Ordinance No. SP-1656 kung saan hindi na pinahihintulutan ang mga fixers sa paligid ng nasabing tanggapan. (Ricky Tulipat)