Mga doktor nakatutok sa baby na 2 ang ulo

MANILA, Philippines - Upang mabigyan ng pagka­kataon na mabuhay ang sang­gol na ipinanganak na dalawa ang ulo, dapat na lamang iko-correct ang abnormalities nito.

Ayon kay Dr. Ruben Flores ng Jose Fabella Memorial Hospital, ito lamang ang maaaring gawin ngayon dahil imposible namang mapaghiwalay ang mga ito.

Sinabi ni Flores na batay sa kanilang pananaliksik, may ilan na ring conjoined twins ang na­buhay ng matagal pero hindi naman 100 percent ang mortality.

Sa ngayon aniya ay hinihin­tay ng mga eksperto ang resulta ng work-up sa Philippine Heart Center kung saan inilipat ang sanggol at saka malalaman kung makaka-survive ito ng matagal o hindi.

Lumilitaw na ang kaso ni Baby Girl Arciaga ay kauna-unahan sa Pilipinas.

“This is actually the first time at meron tayong nakausap at ‘yong aking mga nakausap na espesyalista sa pediatrics at neonatology, sa kanilang pagkakaalam parang wala pa. Parang this is a first in our country,” ani Flores.

Nagpaliwanag din ni Flores na ang ganitong klaseng kaso ay posibleng may depekto sa process kung saan ang sperm at ovum ay nag-meet at nag-form ng embryo ay nagkaroon umano ng problema sa development. Aniya, wala itong kina­la­man ang paglilihi ni Chaterin Arciaga, ina ng sanggol.

Batay umano sa kanilang interview kay Chaterin, hindi umano nila ito kinakitaan na nag-take ito ng teratogenic drugs o na-expose sa radiation. Hindi rin umano nagkasakit si Chaterin habang nagbubuntis.

Samantala, sinabi naman ni Salvador Arganda, Jr., hindi nila aka­lain na dalawa ang ulo ng kanilang anak dahil lumabas sa ultrasound na isa lang ito at hindi twins.

Nauna ng inihayag ni Dr. Eden Latosa, isang pediatric car­diologist, na batay sa isina­gawang 2-D echo o health ultra­sound test na mayroon ang sanggol ng dalawang set ng puso na nasa iisang sac. (Doris Franche)

Show comments