MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon sa mga awtoridad ang pagkamatay ng isang 59-anyos na estate broker makaraang matagpuan ang naaagnas nang bangkay nito sa loob ng kanyang inuupahang condominium unit, kamakalawa ng hapon sa Ortigas Center, Pasig City.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Paulino Maglalang, naninirahan sa Unit 2309 ng Corinthian Executive Regency sa panulukan ng Ortigas Avenue at Sapphire Road, Ortigas Center, Brgy. San Antonio, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng investigation division ng Pasig police, dakong alas-2 kamakalawa ng hapon nang madiskubre ng security guard na si Rexcel Materiales ang bangkay ng biktima. Nabatid na nagpapatrulya ito sa gusali nang malanghap ang masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng unit ni Maglalang.
Wala namang sumasagot sa loob ng kuwarto nang katukin ni Materiales kaya napilitan itong puwersahang buksan ang pinto. Dito nadiskubre ng mga security guard ang bangkay ni Maglalang na naaagnas na sa ibabaw ng kama at nakasuot lamang ng brief.
Dahil sa naaagnas na, hindi na madetermina ng Pasig police ang sanhi ng kamatayan nito. Isinasailalim na ang bangkay sa awtopsiya sa PNP Crime Lab upang mabatid ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito. (Danilo Garcia)