MANILA, Philippines - Nasindak ang maraming residente sa New Manila Quezon City matapos na magkaroon ng putukan sa pagitan ng mga awtoridad at grupo ng mga guwardiya na nagtangkang agawin sa mga nagtatanod ring guwardiya ang isang pribadong lote dito kahapon ng umaga. Ayon sa ulat ng pulisya, nagmistulang giyera makaraang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril mula sa grupo ng AFPSECO security agency at guwardiya ng Sourthern Port Agency makaraang pasukin ng grupo ng una ang tinatanurang 7.2 ektaryang lupain na pag-aari ng Titans Dragon property na matatagpuan sa 11th at 14 St. Brgy. Damayang Lagi New Manila dito, pasado alas- 9 ng umaga. Dahil sa dami ng grupo ng AFPSECO ay agad na nakubkob ng mga ito ang lugar sanhi upang humingi na ng saklolo ang guwardiya ng SPS sa tropa ng Station 11 ng QCPD. Agad namang rumisponde ang tropa kasama ang Special Weapon and Tactics (SWAT) kung saan pinasuko ang mga guwardiya ng AFPSECO na nagkubkob dito. Tumagal ng halos 5 minuto bago tuluyang sumuko ang mga security guard na may bilang na 50. Ayon sa pulisya, nag-ugat ang naturang gulo sa pinag-aagawang lote ng mga malalaking negosyante na hindi naman tinukoy ang mga pangalan. Ang naturang lote ay nauna nang binabantayan ng security guard ng SPS nang pasukin ng grupo ng AFPSECO. (Ricky Tulipat)