Baby na 2 ulo isinilang sa Fabella
MANILA, Philippines - Sumasailalim ngayon sa mahigpit na obserbasyon at pagbabantay ang isang sanggol na babae na ipinanganak na may dalawang ulo sa Fabella Memorial Medical Center sa Sta. Cruz, Maynila.
Batay sa report dakong alas-9:00 ng gabi noong Martes nang ipanganak sa pamamagitan ng ceasarean operation ng ina na si Chateria Arganda ng Putatan Village, Muntinlupa City ang premature na sanggol.
Maliban sa pagkakaroon ng dalawang ulo at dalawang leeg ay normal ang mga bahagi ng katawan ng batang si Baby Arciaga tulad ng pagtataglay ng dalawang kamay at dalawang paa.
Inamin naman ng ama ng sanggol na si Salvador Arganda Jr., 30, tricycle driver, na sila ay may lahing kambal gayundin ang kanyang misis.
Sinabi ni Arganda ay panlima na nilang anak ng kanyang misis.
Sa kasalukuyan ay nasa neo-natal care unit ang sanggol dahil sa kanyang mahinang kalusugan.
Nabatid na sa Agosto 3, 2009 pa dapat isisilang ang sanggol subalit madalas na umanong pananakit ng tiyan ng ginang ay ipinasuri siya sa pamamagitan ng ultra sound.
Sa nabanggit na eksaminasyon, nakita na parang suhi ang posisyon ng bata sa loob ng tiyan ng ina kaya dinala na ito sa Fabella Medical Center na agad isinailalim sa operasyon.
Kaugnay nito, nanawagan sa publiko si Arganda na ipanalangin ang kanilang anak.
Ayon kay Director Roben Flores, ng Fabella, ang sanggol ay ipinanganak na Dicephaly monozygotic o conjoined twins at tumitimbang ng 3.8 kilogram.
Sinabi pa ni Flores, na ang ganitong uri ng kaso ay isa sa 80,000 kung saan inamin din nito na napakaliit ng tsansang mabuhay ng sanggol dahil “immoral” umano na putulin ang isang ulo ng kambal para mabuhay ang isa.
Aniya, ang kambal ay nabuo sa pamamagitan ng isang sperm, isang itlog na nafertilize at nahati, pero hindi nadevelop,kaya magkadikit sila ng lumabas.
Sa medical history, 73%,umano ng “conjoined twins” ay babae at 40% lamang ang lalaking may ganitong fetus.
“Masuwerte na ipinanganak sila ng buhay, dahil kalimitan ay namamatay na kaagad sa loob pa lang ng tiyan”, ayon kay Flores.
Samantala, binanggit na ang sanggol na may dalawang ulo, ay may isang set lamang ng organs at dalawang puso sa isang sac. Inilipat ang sanggol sa Heart Center.
- Latest
- Trending