Holdaper itinumba
MANILA, Philippines - Patay ang isang kilabot na holdaper nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang suspect na sakay ng isang motorsiklo, kahapon ng umaga sa Pasay City. Namatay noon din sa mismong pinangyarihan ng insidente bunga ng isang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril ang suspect na kinilalang si Alex Belmonte alyas “Diyablo”. Nabatid na kasalukuyang nakatayo ang biktima sa harapan ng isang establisimyento sa Merville St., Pasay City nang biglang dumating ang armadong suspect na sakay ng isang hindi naplakahan na motorsiklo at agad na pinagbabaril ang una hanggang sa tamaan ito sa ulo. Matapos ito’y mabilis na tumakas ang suspect. Nabatid na si “Diyablo” ay kilala bilang kilabot na holdaper na siyang responsable sa serye ng holdapan sa Pasay City at ilan pang mga siyudad sa Kalakhang Maynila. May hinala naman ang pulisya na paghihiganti ang motibo sa pamamaslang kay “Diyablo”. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending