MANILA, Philippines - Ipagdiriwang ng Iglesia ni Cristo ang ika-95 anibersaryo nito sa Lunes, Hulyo 27, sa pamamagitan ng pagdaraos ng malalaking pagtitipon sa 14 dako sa Pilipinas at sa limang lugar sa apat na iba pang bansa.
Mula sa Luzon, Visayas hanggang sa Mindanao, inaasahang daan-daang libong delegado ang dadagsa sa bawat itinakdang dako sa 12 rehiyon sa bansa upang ipagdiwang ang “Iglesia ni Cristo Day”. Ang limang oras na pagtitipon ay magsisimula nang 4:30 ng hapon.
Sa Metro Manila, ang mga pagtitipon ay idaraos sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City at sa Rizal Memorial Complex sa Maynila.
Sa mga probinsya, ang mga delegadong INC ay magtitipun-tipon sa Butuan City Sports Complex sa Agusan del Norte; Bicol University Sports Complex and Com mencement grounds sa Legaspi City, Albay; Cebu Sports Center sa Cebu City; General Santos City Oval Plaza sa South Cotabato; Davao Agro-Industrial Institute Football Field sa Davao City; Quirino Stadium sa Bantay, Ilocos Sur; Central Integrated Terminal sa Santiago City, Isabela; Ashton Field Subdivision grounds sa Calamba City, Laguna; Panaad Stadium sa Bacolod City, Negros Occidental; Villa del Sol Subdivision-Olongapo-Gapan Road sa San Fernando City, Pampanga; Narciso Ramos Sports Center sa Lingayen, Pangasinan; at Ipil Sports Complex sa Zamboanga City, Zamboanga-Sibugay.
Ang iba pang mga lokal na kongregasyon ng INC sa Pilipinas na malayo sa mga nabanggit na dako, gayundin ang mga nasa ibang mga bansa, ay magka karoon din ng pagtitipon sa kani-kaniyang gusaling sambahan kasabay ng malalaking pagtitipon.