MANILA, Philippines - “Isa akong holdaper mauna na ako magpahinga mga kasama pero kayo na ang susunod sa akin.”
Ito ang nakasulat sa kapirasong plywood na nakasabit sa leeg ng bangkay ng isang lalaki na hininalang binigti ng hindi pa kilalang suspek sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang biktima na si Ramon Nicodemus, 29, ng Phase 8, Bagong Silang, Caloocan City.
Sa record ng Caloocan City Police, nabatid na miyembro ng Spider Gang si Nicodemus na nang hoholdap umano sa Bagong Silang at kalapit na lugar.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, alas-2:30 ng madaling-araw nang matagpuan ng isang tricycle driver si Nicodemus na nakahandusay sa Phase 7A, Bagong Silang.
Lumalabas na pinatay sa pamamagitan ng pagbigti ng alambre si Nicodemus kung saan nakasulat din ang mga pangalan nina Butchoy Pinto, alyas Che Che, Boy Itot, Amok Sibilyan at Jayson Cervantes na isusunod umanong lilikidahin. (Lordeth Bonilla)