MANILA, Philippines - Nabangga na, nahulog pa sa 10 talampakang taas ng fly-over.
Ito ang dobleng kamalasang nangyari sa isang kaminero matapos salpukin ng isang rumaraga sang kotse na minamaneho ng isang Ateneo student habang ito ay naglilinis sa ibabaw ng tulay sa lungsod ng Quezon kahapon ng umaga.
Si Christopher Tuazon, miyembro ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nagawa pang maisugod ng rescue team ng MMDA sa Quezon Memorial Medical Center (QMMC), ngunit hindi na umabot pang buhay sanhi ng matinding pinsala sa kanyang katawan at ulo.
Ang suspek na kusa namang sumuko sa mga awtoridad ay kinilalang si Yoon Du Sim, 20, binata, Political Sciences student sa Ateneo, at residente ng Sunset view, ng 2230 Roxas Blvd., Pasay City.
Ayon sa ulat naganap ang insidente sa may Katipunan Avenue, Flyover, Brgy. Loyola Heights sa lungsod ganap na alas- 8:30 ng umaga.
Kasalukuyang naglilinis sa Tuazon nang biglang bundulin ito ng driver ng isang rumaragasang Toyota Altis(ZEP-296) na minamaneho ng naturang estudyante.
Sinasabing galing ng Boni Serrano ang kotse at patungo ng Ateneo at tinatahak ang naturang lugar nang mabundol nito ang biktima habang nagwawalis sa taas ng tulay.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima, bago tuluyang mahulog ito mula sa tulay na may lalim na 10 talampakan at lumagpak sa kalsada.
Tumagal ng halos ilang minuto bago tuluyang dumating ang rescue team at itakbo ang biktima sa naturang ospital, habang ang suspek naman ay kusang sumuko sa mga awtoridad. (Ricky Tulipat)