MANILA, Philippines - Isang 56-anyos na telecom installer ang kagyat na nasawi matapos mahulog mula sa rooftop ng four-storey building ng Technological University of the Philippines (TUP) habang nagkakabit ng wireless internet connection, sa Ermita, Maynila, kahapon ng tanghali.
Sa loob ng klinika ng TUP tuluyang binawian ng buhay ang biktimang si Gregorio Salvanera, Telecom Installer-Rigger ng Welter Corp, at residente ng Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa rooftop ng College Industrial Building ng TUP sa panulukan ng Ayala at San Marcelino Sts., Ermita, Maynila.
Sa pahayag ni Gerald Salandanin, 27, Radio Frequency Engineer ng Welter Corp., nasa rooftop sila ng College Industrial bldg. kasama ang biktima at isang Jackson Landrito habang nag-iinstall ng internet connection nang nakarinig umano siya ng kalabog.
Hindi umano niya akalain na ang biktima ay wala na sa kanilang tabi at nakitang nasa ibaba na at nakahandusay.
Ayon kay Salandanin na gumamit sila ng safety gear habang nagkakabit ng internet connection subalit hindi nito matiyak kung isinuot ito ng biktima.
Gayunman, duda ang pulisya dahil may nakikita umano silang kakulangan sa safety gear para sa delikadong pag-akyat sa matataas na gusali. (Ludy Bermudo)