MANILA, Philippines - Papatawan ng parusa ang sinumang negosyante na hindi maglalagay ng Close Circuit Television (CCTV) sa kanilang establisimento sa Valenzuela City.
Ito’y matapos aprubahan kahapon ang isang ordinansa na mag-oobliga na dapat lagyan ng naturang gadget ang lahat ng establisimento sa lungsod.
Ang CCTV Ordinance na inihain ni Councilor Alvin Feliciano, pangulo ng Liga ng mga Barangay sa nabanggit na siyudad
Layunin aniya ng CCTV Ordinance na mabawasan at tuluyang masugpo ang nagaganap na holdapan sa iba’t ibang business establishments.
Sa pamamagitan aniya ng CCTV Ordinance ay magdadalawang-isip na ang mga kriminal na gumawa ng kanilang modus operandi sa buong lungsod dahil madali na silang makikilala ng mga awtoridad.
Dahil sa pagkakapasa ng nasabing ordinansa ay inoobliga ang lahat ng negosyante na maglagay ng CCTV sa kanilang mga establisimento na may inisyal na puhunan na P5-milyon pataas. Kabilang sa mga ito ay ang mga banko, gas stations, commercial establishments tulad ng groceries, department stores at iba pang katulad na negosyo na matatagpuan sa buong Valenzuela City.
Ang sinumang negosyante na mahuhuling hindi sumusunod sa ordinansang ito ay papatawan ng parusang multang P2,000 (1st offense); multang P3,000 ( 2nd offense) at automatic temporary suspension ng business permit sa loob ng 15 araw; at sa ikatlong paglabag ay multang P5,000 at 30 araw na suspension ng business permit at 4th offense – permanenteng pagbawi sa business permit at pagpapatigil sa operasyon nito. (Lordeth Bonila)