Suminghot ng rugby, sinalvage

MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng salvage ang natagpuan ng mga ope­ratiba ng Manila Police District kamaka­lawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Ang biktima na kinilalang si Michael Amores, 21, umano’y miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang at resi­dente ng 1609 Anti­polo st. ng nasabing lung­sod, ay natag­puang naka­silid sa loob ng isang sako na may marka sa leeg na palatandaang pinatay ito sa pamamagitan ng pag­bigti.

Lumalabas sa imbesti­gasyon ni Det. Jay Santos, homicide investigator, na dakong alas-8:10 ng gabi nang matagpuan ang bang­kay sa isang bakanteng lote sa Laguna extension, ma­lapit sa kanto ng Felix Huertas St. sa Sta. Cruz.

Naniniwala naman ang ina ng biktima na si Aling Leonita na na-‘salvage’ ang kanyang anak dahil, bago ito natagpu­ang patay, sina­sabing bina­gansiya ito ng pulis kasama ang tatlo pa nitong kasama­han habang sumisinghot ng rugby sa riles sa kanto ng Antipolo at Avenida Rizal sa Sta. Cruz.

Dagdag pa ni Leonita, pinakawalan umano ang tatlong kasamahan ng bik­tima ngunit binitbit ng mga ito ang kanyang anak.

Kinabukasan ay nagsi­mula umanong maghanap si Leonita hanggang sa na­ba­litaan na lamang niya ang sinapit ng kanyang anak. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments