160 pamilya, lumikas sa baha sa Quezon City

MANILA, Philippines - Umabot sa 160 pamilya ang nagsilikas sa Quezon City dahil sa baha sa kanilang mga lugar.

Sa ulat mula sa tanggapan ni QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte, 100 pamilya sa Sierra Monte Villas sa Batasan Hills ang lumikas dahil sa pagtaas ng tubig-baha.

Ganito rin ang naging sitwasyon ng 60 pamilya sa Brgy. Silangan na ngayon ay pansamantalang nakasilong sa kanilang barangay hall.

Kaugnay nito, tinitiyak naman ng flood monitoring office ng PAG ASA na walang dapat na ipangamba ang publiko sa anumang posibilidad na umapaw ang malalaking dams sa gitna ng paghagupit ng bagyong Isang. Sinabi ni Danny Flores, hydrologist ng flood monitoring office, malayo pa sa critical level ang pitong dams na nasa ilalim ng kanilang monitoring.

Kabilang dito ang Ipo at Angat dam sa Bulacan, San Roque dam sa Pangasinan, Binga at Ambuklao dam sa Benguet, Magat dam sa Isabela at Pantabangan sa Nueva Ecija.

Sa pitong ito, ang Ipo, Binga at Ambuklao ang nagbukas ng gates para magpakawala ng tubig subalit nilinaw ni Flores na normal ito at hindi nangangahulugan na kritikal na ang level ng tubig sa mga ito. (Angie dela Cruz)

Show comments