Binata napagkamalan, todas sa gang war

MANILA, Philippines – Isang 18-anyos na bi­nata ang nasawi matapos na pagtulungang bugbugin at saksakin ng grupo ng mga kabataan matapos mapagkamalan na ka­ni­lang kaaway sa lungsod ng Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Joey Teong, ng Remar­ville Subdivision., Brgy. San Bartolome sa lungsod. Pinaghahanap naman ang mga suspek na nakilala sa alyas Bebe, Uro, at Ron­ron, pawang mga resi­dente sa Villareal St., Brgy. Gulod, Novaliches sa lungsod.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa may Rock­ville Subd., corner Quirino Highway, sa na­turang barangay ganap na alas-7:45 ng gabi.

Bago nito, nakatayo umano ang biktima sa naturang lugar at hinihintay ang kanyang kapatid nang biglang dumating ang dalawang grupo ng mga kabataang kinabibilangan ng mga suspek kung saan nagkaroon ng rambulan.

Sa pag-aakalang ka­sama sa grupo ng mga ka­laban ang biktima ay pi­nun­tahan ito ng suspek na si Uro at inupakan ng sun­tok sa mukha, hang­gang sa makisalo na rin sa pana­nakit ang mga kasa­mahan nito. Hindi pa na­kun­tento, bumunot pa ng patalim si Uro at inun­dayan ng sak­sak sa dibdib ang bik­tima, saka mabilis na nagsi­pagtakas. (Ricky Tulipat)


Show comments