MANILA, Philippines – Isang pulis ang nasawi matapos itong barilin ng isang pinaniniwalaang hired killer.
Matapos namang maisakatuparan ng suspect ang misyon, itinumba rin ito ng kanyang kasamahan kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Manila Central University Hospital ang biktimang si SPO1 Julio Lobrin, 35, nakatalaga sa Caloocan City Anti-Illegal Drugs sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa leeg buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Dead-on-the-spot naman ang suspek na nakilalang si Wilson Torres, 38, taga Baliuag, Bulacan, habang nakatakas naman ang hindi pa nakikilalang mga kasamahan nito sakay ng pulang Nissan X-Trail ( XRJ-981).
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling-araw mismo sa tapat ng bahay ng biktimang si SP01 Lobrin sa nabanggit na lugar.
Nabatid, na kabababa lang ng biktima sa kanyang kotse nang sumulpot si Torres at pagbabarilin nito ang nabanggit na pulis.
Matapos ang insidente ay bumaba naman ng kotse ang isa sa mga kasama ni Torres at ito naman ang pinagbabaril at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas sakay ng nasabing sasakyan.
Nagsasagawa na nang follow-up operation ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente kung saan lumalabas na naka-rehistro sa isang abugado sa Pampanga ang Nissan X-Trail.
Inaalam pa rin ng Caloocan City Police kung may kinalaman sa trabaho ng biktima ang ginawang pamamaslang sa kanya dahil ito ay isang drug buster.
May hinala pa rin na kaya pinatay si Torres mismo ng mga kasama nito upang hinde na ito kumanta sa ginawa nilang krimen kung sakaling madakip ito ng mga pulis.