Ayon sa resulta ng DNA test, bata sa maleta, si Dindin nga
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na tapos na ang dalawang taong espekulasyon sa Geraldine Palma case, ang bata sa maleta na natagpuang lumulutang sa Manila Bay, North Harbor Tondo, noong Agosto16, 2007, matapos maglabas ng resulta ng DNA ang Interpol na nakabase sa Bosnia.
Ayon kay Deputy Director for Technical Services Atty. Reynaldo Esmeralda, positibong si Geraldine “Dindin” Palma, 7, estudyante ng St. Paul College, ang bangkay base sa resulta ng DNA test na isinagawa ng International Commission of Missing Persons (ICMP), subalit nabunyag na rin na hindi nito kadugo o ama si Gerald na nagpalaki sa kanya, sa kabila ng sinasabing anak ito ni Gerald sa katulong nilang si Felma Estravela.
“The DNA test confirmed that it was Geraldine and that her mother is Felma Estravela but the father is not Gerald,” ayon kay Esmeralda.
Kabilang sa sinuri ng ICMP ang sample tissues na kinuha sa embalsamadong bangkay ang bahagi ng ‘femur’, liver, right thigh muscle, na sinuri sa Saravejo, Bosnia na inihanda naman ng University of the Philippines-Natural Science and Research Institute-DNA laboratory sa Quezon City.
Ikinumpara naman ito sa samples ng swabs at blood stained sa FTAS paper na kinuha kina Gerald Chou Palma, 56, ng Pasig City (ang ama) at Felma Estravela, 27, ng Cainta, Rizal (ina).
Consistent umano sa profile ni Estravela ang DNA profile ng bata na may 99.99% probability.
Dahil dito, maghahain ng amended information ang NBI sa Manila Regional Trial Court (RTC) para palitan ang naunang inihaing kidnapping with rape at gawin na lamang kidnapping with homicide dahil walang nakitang laceration sa ari ng bata.
“The case filed was kidnapping with rape but now that the body was confirmed belonged to Geraldine, we will ask for amendment of information to kidnapping with homicide. Geraldine was not raped as there was no lacerations in her private part and this was a case of bungled kidnapping for ransom,”ani Esmeralda.
Sinabi ni Special Investigator III Darwin Francisco na may inisyung search warrant laban kay Maritess Ontog, ang yaya ng bata na naghingi umano ng P10-milyon at nauwi lamang sa tawaran na P240,000 kaya pinatay ang bata.
Matatandaang nauwi sa pagdududa ang pagkilanlan ng biktima nang lumabas sa school records na mas mababa ito sa height kumpara sa nakuhang bata sa maleta.
Ipina-exhume ang bangkay noong Setyembre 24, 2007 sa Manila Memorial Park, Parañaque City para sa DNA testing at dahil sa nabulok na ang tissues, humingi ng tulong ang NBI sa ICMP.
Kabilang sa mga arestadong suspek sina Gerry Igos, na nadakip sa Bulacan province, isang Renato C. Bohol, alyas Rick-Rick, 41, ng Isla Puting Bato na sumuko kay Major Nelson de la Cruz ng Civil Military Operations Battalion, kasama ang ama ni Bohol na si Serafin Bohol, ng Purok 4, Lupang Pangako, Payatas, Quezon City.
Kapwa itinanggi nina Bohol at Igos ang bintang na may kinalaman sila sa pag dukot at pagpatay o rape sa biktima, nang imbestigahan ng Manila police District-Homicide Section.
Nabatid na bihasa na ang ICMP sa pagtukoy sa maramihang bangkay at mga nawawalang biktima ng kalamidad, kabilang ang naganap sa 2004 Tsunami sa Thaliland at tumutulong din sa pagkilala sa mga bangkay ng lumubog na MV Princess of the Stars. Itinatag ito noong 1996 na nakabase sa Sarajevo, Bosnia Herzegovina.
- Latest
- Trending